20th Asian Games opening ceremony makulay

MANILA, Philippines — Puno ng pag-asang makapag-uwi ng gintong medalya, masiglang pumarada ang Team Philippines sa makulay na opening ceremony ng 20th Asian Games kahapon sa Paloma Mizuho Stadium sa Aichi-Nagoya, Japan.
Binanderahan nina flag-bearers Aira Villegas ng women’s boxing at Albert Ian Delos Santos ng men’s weightlifting ang pagrampa ng delegasyon.
“Today, as the Asian Games officially begin in Nagoya, the whole nation rallies behind our athletes as they carry the flag and the dreams of our country,” ani Philippine Sports Commission (PSC) chairman Patrick “Pato” Gregorio.
Magbibigay ang PSC ng cash incentive sa Team Philippines kapag nakapag-uwi ng higit pa sa apat na gold medals sa 2026 Aichi-Nagoya Asiad.
Bukod pa rito ang dagdag na P6,000 allowance ng mga athletes at coaches.
Tig-apat na gold medals ang nakolekta ng Team Philippines sa nakaraang 2018 Asiad sa Jakarta, Indonesia at sa 2022 edition sa Hangzhou, China.
Ito ang pipilitin ng mga national athletes na mahigitan sa pagsabak sa Aichi-Nagoya Asiad.
Bago pa man ang opening ceremony ay nagsimula na ang mga aksyon noong Setyembre 10 sa basketball, football, volleyball, teqball, cricket at modern pentathlon.
Kabuuang 469 medalya ang paglalabanan sa 43 sports na lalaruin sa 54 venues sa Japan.
- Latest

















