Great wall of China ‘babasagin’ ng Gilas

MANILA, Philippines — Puntirya ng Gilas Pilipinas na maitarak ang krusyal na panalo laban sa China sa paglarga ng huling araw ng group stage sa 2026 Asian Games ngayong araw sa Achi International Arena sa Nagoya, Japan.
Magtutuos ang Gilas Pilipinas at China sa ala-una ng hapon (alas-12 ng tanghali sa Maynila).
Pakay ng Pinoy cagers na masiguro ang panalo upang makaiwas sa mas kumplikadong sitwasyon.
Kasalukuyang may 1-1 rekord ang Gilas Pilipinas kasalo ang Bahrain sa No. 2 spot sa Group C.
Namamayagpag ang China na may malinis na 2-0 baraha at awtomatiko nang nakasisiguro ng silya sa quarterfinals.
Kung mananalo ang Gilas Pilipinas sa China, sigurado na ang tiket nito sa quarterfinals.
Kung matatalo ang Gilas at manalo ang Bahrain sa Kazakhstan sa kanilang laban, buhay pa ang pag-asa ng Gilas Pilipinas dahil ang dalawang best Top 3 team sa bawat grupo ay papasok sa quarterfinals.
Mataas ang tsansa ng Gilas dahil sa impresibong 109-78 panalo nito laban sa Kazakhstan noong Sabado.
Masaya si Gilas Pilipinas head coach Tim Cone na unti-unti nang lumalabas ang bagsik ng kanyang bataan.
Nagpakawala ang Pinoy cagers ng 16 three-pointers para makuha ang 31-point winning margin na importante sa quotient system.
“We played better and defended at a high level,” ani Cone.
Bumandera sa matikas na ratsada ng Gilas si Jerrick Ahanmisi na may 22 puntos habang pinagpag naman ni Robert Bolick ang injury nito para makalikom ng 20 markers.
Sesentro na ang atensiyon ng Gilas sa China na wala pang talo sa torneo.
Makakatuwang nina Ahanmisi at Bolick sina Calvin Oftana, Justine Baltazar, Zav Lucero at Sedrick Barefield para pigilan ang Chinese squad.
Hangad ng Gilas Pilipinas na makapasok sa knockout stage upang manatiling buhay ang pag-asa nitong madepensahan ang korona.
- Latest






















