Gilas pa-Japan na ngayon
MANILA, Philippines — Lilipad na pa-Japan ngayon ang Gilas Pilipinas upang doon na ipagpatuloy ang preparasyon matapos mabokya sa Hana Bank Invitational kahapon sa Suwon KT Sonicboom Arena.
Tumaob ang Gilas kontra sa karibal na South Korea, 69-42, para sa 0-2 kartada sa unang torneo nito buhat nang buuin nang paspasan ng Samahang Basketbol ng Pilipinas (SBP).
Nauna nang yumukod ang Gilas sa South Korea, 81-55, habang iniinda pa ang kawalan ng naturalized player na si Justin Brownlee.
All-Filipino at 11-man PBA crew lang ang lumalaban para sa Pinas ngayon dahil sa wala pang medical clearance mula sa USA matapos ang leg at hamstring injuries niya sa Window 3 ng 2027 FIBA World Cup Asian Qualifiers noong Hulyo kontra sa New Zealand.
Ito rin ang dahilan kaya hindi nakalaro si Brownlee sa katatapos lang na Window 4 na pinagwagian din ng All-Filipino Gilas kontra sa Jordan, 82-81, at Iran, 68-56 para palakasin ang tsansa sa World Cup bitbit ang 4-4 kartada sa Group E.
Subalit iba ang koponang ipapadala sa Asiad na lumalabas ngayon ang kawalan pa ng karanasan at chemistry sa ikalawang sunod na tambak na kabiguan nila.
Doble kayod ngayon ang Gilas sa Japan upang puliduhin ang pagsasanay bago harapin ang Bahrain, Kazakhstan at China sa Group C ng men’s basketball simula sa Setyembre 11 sa Nagoya.
Matatandang naghari ang Gilas noong 2023 Asiad kontra sa host na China sa semifinals at Jordan sa finals upang mapatid ang 61-taong pagkauhaw ng Nationals sa gintong medalya.
Samantala, bumandera si Yu Ki-Sang na may 15 puntos para sa SoKor.
- Latest






















