Heading, Perkins out sa Asian Games

MANILA, Philippines — Nabangasan agad ang Gilas Pilipinas pool hindi pa man nagsisimula ang laban nito sa 2026 Asian Games na magsisimula sa susunod na buwan sa Nagoya, Japan.
Hindi maglalaro sina Jordan Heading ng Talk ’N Text at Jason Perkins ng Phoenix Fuel Masters sa Japan Asian Games dahil sa magkaibang dahilan.
Kinumpirma ito ng pamunuan ng Samahang Basketbol ng Pilipinas sa pamamagitan ni Gilas assistant coaches Richard del Rosario.
Nagpasya si Heading na lumiban sa pagkakataong ito dahil nakatakdang manganak ang kanyang asawa.
May iniinda namang injury si Perkins kaya’t kailangan nito ng pahinga bago muling sumalang sa PBA games.
Nakatakdang magsimula ang men’s basketball sa Asian Games sa Setyembre 11 kung saan unang makakalaban ng Gilas Pilipinas ang Bahrain.
Sa kabila ng pagkawala nina Heading at Perkins, nananatiling matikas ang Gilas dahil nariyan pa rin sina Robert Bolick, Zav Lucero, Justin Arana, Adrian Nocum, Caelan Tiongson, Jerrick Ahanmisi, Don Trollano at Brandon Bates.
Nakatakdang depensahan ng Gilas ang korona nito sa Asiad.
Matatandaang nasungkit ng Gilas ang kampeonato nong 2023 edisyon sa Hangzhou, China matapos pataubin ang Jordan sa finals.
Kaya naman pukpukan na ang ensayo ng Gilas para paghandaan ang pagdepensa nito sa titulo.
Nakasentro muna ang atensiyon ni Gilas head coach Tim Cone sa paghahanda ng kanyang tropa para sa FIBA World Cup Asian Qualifiers na lalaruin sa Agosto 28 at 30 sa MOA Arena sa Pasay City.
Matapos nito, agad na tututukan ni Cone ang Gilas na masisilayan naman sa aksyon sa Asian Games.
Magkaiba ang Gilas Pilipinas teams na isasabak sa FIBA World Cup Asian Qualifiers at Asian Games.
Samantala, tuluyan ng hindi makakalaro si Justin Brownlee sa Gilas dahil sa kanyang injury.
“(Brownlee) isn’t healthy enough,” ni Cone.
Kasalukuyang nasa Amerika si Brownlee na nagpapagaling sa kanyang injury dahilan para hindi na ito nakalaro sa third window noong July kung saan natalo ang Pilipinas sa New Zealand at Australia.
- Latest





















