Foxies umeskapo sa Solar Spikers

MANILA, Philippines — Isinara ng Farm Fresh ang 2026 Premier Volleyball League (PVL) On Tour mula sa dramatikong 20-25, 25-19, 22-25, 25-12, 15-10 pagtakas sa Capital1 Solar Energy kahapon sa Victorias City Coliseum sa Negros Occidental.
Humataw si Trisha Tubu ng 24 points para sa ikalawang sunod na panalo ng Foxies sa tatlong laro sa preseason tournament, habang may 16 at 14 markers sina Ces Molina at Ara Galang, ayon sa pagkakasunod.
Lagapak ang Solar Spikers, nakahugot kay Shaya Adorador ng 14 points, sa 0-2 marka.
Walang nakatayang overall championship o team trophy kundi premyong P100,000 para sa bawat larong naipanalo ng koponan at P50,000 sa naipatalo.
Nakabangon ang Farm Fresh mula sa 1-2 agwat sa third set para makatabla sa fourth frame, 25-12, sa likod nina Tubu, Molina at Galang.
Muling nagtuwang sina Galang, Tubu at Mylene Paat-Rezanova sa fifth set para tuluyan nang selyuhan ang panalo ng Foxies kontra sa Solar Spikers.
Hindi pinaglaro sa PVL On Tour ang mga miyembro ng Alas Pilipinas Women na papalo sa darating na 20th Asian Games sa Aichi-Nagoya, Japan sa Setyembre 19 hanggang Oktubre 4.
Isusunod ng PVL ang six-team Invitational Conference na hahataw sa Agosto 31 hanggang Setyembre 8 sa Smart Araneta Coliseum.
Idedepensa ng PLDT ang kanilang korona laban sa Creamline, Farm Fresh, Nxled at guest teams EST Cola ng Thailand at Ho Chi Minh City ng Vietnam.
Swak sa season-opening tournament ang Cool Smashers, High Speed Hitters, Foxies at Chameleons dahil sa kanilang tinapos na puwesto sa nakaraang PVL All-Filipino Conference.
Ang PLDT ang pumalit sa umalis na Cignal.
- Latest






















