Title defense sisimulan ng PLDT vs Choco Mucho

MANILA, Philippines — Sisimulan ng PLDT ang pagdedepensa sa korona sa pagsagupa sa Choco Mucho sa pagpapatuloy ng 2026 Premier Volleyball League (PVL) On Tour.
Magtutuos ang High Speed Hitters at Flying Titans ngayong alas-6:30 ng gabi matapos ang salpukan ng Nxled Chameleons at Capital1 Solar Spikers sa alas-4 ng hapon sa Chavit Coliseum sa Vigan City, Ilocos Sur.
Bumabandera ang ZUS Coffee bitbit ang 2-0 record kasunod ang Creamline at Galeries Tower na parehong may 1-0 baraha, habang may magkakatulad na 0-1 marka ang Choco Mucho, Nxled, Farm Fresh at Akari.
Muling aasahan ng High Speed Hitters sina Fil-Canadian Savi Davison, Kim Kianna Dy, Majoy Baron, Mika Reyes at Kim Fajardo.
Hindi naglalaro para sa Flying Titans sina Alas Pilipinas training pool members Eya Laure, Dawn Catindig at Sisi Rondina na naghahanda para sa 20th Asian Games sa Aichi-Nagoya, Japan sa Setyembre.
Nakalasap ang Choco Mucho ng 14-25, 20-25, 23-25 kabiguan sa ZUS Coffee sa Batangas City noong Hulyo 11.
Samantala, mag-uunahan din sa pagsampa sa win column ang Chameleons at Solar Spikers na muling maglalaro na wala sina national team standouts Bella Belen, Vanie Gandler at Erika Santos.
Sina Fil-Am Brooke Van Sickle, Myla Pablo, MJ Phillips, Lyann de Guzman, Chiara Permentilla, Jackie Acuña at setter Gel Cayuna ang ibabandera ng Nxled.
Isasalang ng Capital1 sina Shaya Adorador, Pauline Gaston, Trisha Genesis, France Ronquillo, Sydney Niegos at rookie setter Detdet Pepito.
Nakalasap ang Chameleons ng 18-25. 23-25, 25-16, 19-25 pagkatalo sa Cool Smashers sa pagbubukas ng torneo noong Hulyo 8 sa Ilagan, Isabela.
- Latest























