Pacquiao inspirasyon ni Eala

MANILA, Philippines — Malayo pa ang tatahakin ni Alex Eala subalit saan man siya makarating, alam niyang hindi niya ito magagawa nang mag-isa.
Bagama’t sa langit nakatingala ang kanyang mga mata, nasa lupa rin ang mga paa ni Eala matapos magbigay pugay sa mga alamat ng Philippine sports bilang inspirasyon niya sa pagsungkit ng bituin para sa Philippine tennis.
At isa na rito ang nag-iisang Pambansang Kamao na si Manny Pacquiao, na siyang kauna-unahang Pilipinong nakilala sa rurok ng tagumpay at katanyagan sa buong mundo tampok ang natatanging 8 divsion world championships sa lahat ng boksingero.
“Of course, the kind of national hero in sports in the Philippines is Manny Pacquiao. He is the kind of first global athletic figure from the Philippines,” ani Eala na inalala ang pambihirang impact ni Pacman sa Pinas na nagdudulot ng wari ay national holiday tampok ang kawalan ng trapiko sa EDSA, krimen sa Metro Manila at sandamakmak na watch parties sa lagpas 7,000 isla ng bansa -- mapa sa kanto man o sa mga sinehan.
“He is someone super inspiring as an athlete,” dagdag ni Eala na binanggit din sina Hidilyn Diaz ng weightlifting, Caloy Yulo ng gymnastics at EJ Obiena ng pole vault, bago ang laban kontra kay Jasmine Paolini ng Italy para sa tiket sa quarterfinals ng Wimbledon as of press time.
Si Diaz ang kauna-unahang Olympic gold medalist ng bansa na sinundan ni Yulo bilang unang double Olympic gold medalist at Obiena bilang world pole vault champion, na siyang nagpatuloy ng ginintuang henerasyon para sa Pinas sa pangunguna ni Pacquiao na siya namang humugot ng lakas mula sa gaya nina Paeng Nepomuceno ng bowling at Efren “Bata” Reyes ng billiards.
Ngayon, si Eala ang nagmamana ng sulo mula sa mga naturang alamat ng Philippine sports at handa siyang akuin ang responsibilidad upang magbigay-daan sa mga susunod din sa kanya.
“There are so many people in Philippine sports. I feel like the Filipinos have such a great work ethic. We are really hard workers. When it counts, we can show up,” dagdag ni Eala na kauna-unahang Pinoy na nakaabot sa Round of 16 ng kahit anong Grand Slam bukod pa ang pagiging unang Pinay seeded player sa kasaysayan ng kahit anong tennis major.
- Latest


















