Dyip huhugot ng lakas kay Chiu

MANILA, Philippines — Sa kanyang unang salang sa nakaraang Season 50 PBA Commissioner’s Cup ay nagposte si No. 1 overall pick Geo Chiu ng mga averages na 7.25 points at 10.08 rebounds sa 12 games ng Terrafirma.
Ayon kay coach Ronald Tubid, may ilalabas pa ang 6-foot-9 na si Chiu sa parating na PBA Governors’ Cup.
“Geo is still a work in progress kasi nga iba style of play niya dati,” ani Tubid sa 25-anyos na rookie center. “Kailangan mas involved pa siya sa team being a 6-9, 6-10 guy. Kaya nga the coaching staff is working on that every day, ‘yung mga drills.”
Bago maglaro para sa Dyip sa PBA Commissioner’s Cup ay tinapos muna ni Chiu ang kanyang kontrata sa Abra Solid North Weavers sa Maharlika Pilipinas Basketball League (MPBL).
Nakita rin sa aksyon si Chiu sa Ehime Orange Vikings sa second division ng Japan B.League noong 2024.
Bukod kay Chiu, aasahan din ng Terrafirma sina import Justin Strings, Juami Tiongson at Chris Miller na nahugot sa San Miguel kapalit nina Jerrick Ahanmisi at Paolo Hernandez.
Lalabanan ng Dyip ang Titan Ultra Giant Risers sa alas-5:15 ng hapon sa pagbubukas ng PBA Governors’ Cup sa Biyernes sa Ynares Center sa Antipolo City.
Sa ikalawang laro sa alas-7:30 ng gabi ipaparada ng NLEX Road Warriors si bagong coach Jimmy Alapag sa pagsagupa sa guest team Macau Giant Pandas.
- Latest

















