Eala out na sa Wimbledon

MANILA, Philippines — Tuluyang naputol ang cinderalla run ni Alex Eala nang lumasap ito ng 4-6, 6-4, 3-6 kabiguan kay world No. 17 Jasmine Paolini sa fourth round ng Wimbledon Championships kagabi sa London, England.
Dikdikan ang laban sa umpisa pa lamang ng laban kung saan nakagawa si Eala ng kaliwa’t kanang errors upang makuha ng Italian ang 1-0 bentahe.
Subalit mabilis na nakabangon si Eala nang magpakawala ito ng solidong laro sa second set para pigilan ang ratsada ni Paolini at maitabla ang laro sa 1-1.
Sa third set, dikitan ang laban na naitabla pa sa 3-3 ang iskor.
Ngunit iyon na lamang ang nakayanan ni Eala nang makuha ni Paolini ang mga sumunod na games para masiguro ang pag-entra sa quarterfinals.
Gayunpaman, uuwi si Eala bitbit ang 300,000 Euros o tumataginting na P24 milyon sa pagpasok nito sa fourth round.
Nagpasalamat naman si Eala sa mga Pinoy supporters na patuloy na nagbibigay sa kanya ng inspirasyon sa bawat laban nito.
Tunay na dinadagsa ng mga Pilipino ang venue sa naturang Grand Slam saan man ito maglaro — sa center court o iba pang court.
Kaya naman malaki ang pasasalamat ng 21-anyos Pinay netter dahil nagsisilbi itong motibasyon para patuloy na lumaban.
“Maraming maraming salamat sa lahat ng kababayan natin na patuloy na sumusuporta sa mga laban ko dito,” ani Eala.
Isa si Eala sa mga pangunahing hinahangaan sa Philippine sports at maihihilera na ito kina boxing legend Manny Pacquiao, Paris Olympics doubles gold medalist Carlos Yulo, Tokyo Olympics gold medalist Hidilyn Diaz at pole vaulter EJ Obiena.
“It’s an honor to be able to pave the way for young girls. It would be the honor of my life to be able to inspire others. I think inspiration is such a beautiful thing,” ani Eala.
Mismong si Paolini ay humanga sa suportang natatanggap ni Eala sa bawat laro nito.
Naramdaman ito ni Paolini nang makalaban nito si Eala sa Dubai Tennis Championships noong Pebrero sa United Arab Emirates kung saan dinumog ang venue ng mga Pinoy fans.
- Latest






















