Kelot naipit ng elevator shaft, todas
MANILA, Philippines — Namatay noon din ang isang lalaki nang maipit sa elevator shaft ng isang residential-commercial building sa Barangay 141 sa Tondo, Maynila noong Huwebes ng umaga.
Kinilala ang nasawing biktima na si alyas “John,’’ 25, tubong Oriental Mindoro, caretaker ng nasabing gusali na matatagpuan sa 2501 Rodriguez kanto ng Nepa St., Tondo, Maynila.
Sa ulat ng Raxabago Police Station 1 (PS-1) ng Manila Police District (MPD), alas-9:00 ng umaga nitong Huwebes nang madiskubre ang pagkamatay ng biktima.
Lumalabas sa imbestigasyon na may iniinspeksiyon ang biktima sa lugar kaya’t dumungaw umano ito sa elevator shaft nang biglang bumagsak ang elevator at naipit ito.
Ayon sa kapatid, ang biktima ay naghahanda na sana para magtrabaho sa ibang bansa.
Sa salaysay ng isang testigo, nabatid na napag-utusan siyang hanapin ang biktima at pagdating sa gusali ay nakita niya ang 4th floor na nagkokonekta sa 5th floor ay sarado na sa loob.
Napansin rin niya na bukas ang elevator at nang tingnan ang maintenance room ay dito na nadiskubre ang biktima na nakaipit sa elevator shaft machinery.
- Latest















