Ginebra hari ng Commissioner’s Cup

MANILA, Philippines — Muling nagkampeon ang mga Barangay Ginebra matapos ang tatlong taon.
At winakasan din nila ang tatlong sunod na kabiguan sa karibal na TNT Tropang 5G sa PBA Finals.
Pinatumba ng Gin Kings ang Tropang 5G, 88-76, sa ‘winner-take-all’ Game Seven para angkinin ang korona ng Season 50 PBA Commissioner’s Cup kahapon sa MOA Arena sa Pasay City.
“Ten years ago I didn’t think that I can win another championship at 38 years old,” ang maluhang pahayag ni Best Import Justin Brownlee na humakot ng 30 points, 14 rebounds at 5 assists
Isinara ng Ginebra sa 4-3 ang kanilang best-of-seven championship series ng TNT para makopo ang ika-16 korona.
Ilang beses lumamang ang Tropang 5G bago maagaw ng Gin Kings ang 68-63 bentahe sa third quarter.
Sa likod ni balik-import Chris McCullough ay nakadikit ang TNT sa 76-80 sa huling tatlong minuto ng fourth quarter.
Ang three-point shot ni Best Player of the Conference RJ Abarrientos, free throw ni Brownlee at basket ni Scottie Thompson ang naglayo sa Gin Kings sa 86-76 sa natitirang 25.9 segundo.
Binuksan muna ng Tropang 5G ang third period tangan ang 49-40 bentahe bago naiwanan sa 63-68 sa pagtiklop ng nasabing yugto.
Matapos isara ang first period sa 18-16, ay kumawala ang TNT sa second quarter sa pagtatala ng 43-34 kalamangan sa Ginebra mula sa basket ni Roger Pogoy sa huling 2:27 minuto.
Tinapos ng Tropang 5G ang first half sa 47-40 tampok ang 17 points ni McCullough habang may 14 markers si Brownlee para sa Gin Kings.
- Latest



















