No. 5 spot kinuha ng Hotshots

MANILA, Philippines — Inangkin ng Magnolia ang No. 5 seed sa quarterfinal round matapos pabagsakin ang Meralco, 93-76, sa pagtiklop ng eliminations ng Season 50 PBA Commissioner’s Cup kahapon sa MOA Arena sa Pasay City.
Kumolekta si import Clint Chapman ng 19 points, 7 rebounds, 3 assists at 3 blocks para sa tropa ni coach LA Tenorio habang may 13 at 10 markers sina Paul Lee at Javi Gomez de Liano, ayon sa pagkakasunod.
Ang ikatlong sunod na ratsada ng Hotshots ang nagbigay sa kanila ng 7-5 record.
“The past three days actually, we’ve been really on a playoff mentality already,” ani Tenorio. “I challenge the players, I challenge my team that this kind of games, ito iyong magbibigay sa amin ng chance going to the next level.”
Posibleng makaharap nila ang Barangay Ginebra sa quarterfinals para sa isang ‘Manila Clasico’.
“Kahit sinong makalaban mo sa taas eh, and I mean they’re in top four for a reason. Basta maging ready lang kami kung sino ang makalaban namin,” dagdag ng dating Gin Kings point guard.
Laglag ang Bolts sa 8-4 at nahinto ang three-game winning streak para sa No. 3 spot sa quarterfinals taglay ang ‘twice-to-beat’ incentive.
Umiskor sina import Marvin Jones at Javee Mocon ng tig-14 points at may tig-10 markers sina CJ Cancino at Cliff Hodge para sa Meralco na naiwanan sa 15-29 sa first period.
Ang three-point shot ni de Liano ang nagpalobo sa bentahe ng Magnolia sa 36-15, sa 6:25 minuto bago ang halftime.
Nakalapit ang Bolts sa 71-80 mula sa triple ni Bong Quinto sa 6:25 minuto ng third quarter.
Muling nakalayo ang Hotshots sa 86-71 sa likod nina Chapman, de Liano at Zav Lucero sa 5:03 minuto ng fourth period bago ito pinalaki sa 92-72 galing sa jumper ni Jerom Lastimosa sa huling 1:55 minuto.
- Latest























