^

PSN Palaro

Boatwright isasalang ng Gilas sa 5th window ng 2027 WC Asian Qualifiers

John Bryan Ulanday - Pilipino Star Ngayon
Boatwright isasalang ng Gilas sa 5th window ng 2027 WC Asian Qualifiers
Bennie Boatwright (25)
PBA Images

MANILA, Philippines —  Nakatakdang magkaroon ng bagong naturalized player ang Gilas Pilipinas sa unang pagkakataon simula 2023 kapag nagbalik-aksyon ito sa Window 5 ng 2027 FIBA World Cup Asian Qualifiers sa susunod na buwan sa Seramban, Malaysia.

Napipisil kasing si Ben­nie Boatwright ang magsilbing pambato ng Gilas upang humalili kay Justin Brownlee na wala pang paramdam sa bansa matapos magtamo ng leg at hamstring injuries noong Hulyo sa Window 3 ng Asian Qualifiers.

Matatandaang si Brown­lee ang naging pambatong import ng Gilas noon pang 2023 tampok ang gintong medalya sa Asian Games at SEA Games pati na ang higanteng upset sa world No. 6 Latvia noong 2024 FIBA Olympic Qualifying Tournament.

Subalit dahil wala pang kasiguruhan ang kanyang pagbabalik hindi lang sa Gilas kundi pati na rin sa mother club niyang Barangay Ginebra sa PBA, walang ibang pambato ang Nationals kundi ang 6-foot-10 ace na si Boatwright.

Malaki ang kumpiyansa ni head coach Tim Cone sa Samahang Basketbol ng Pilipinas na matatapos na ang lahat ng papeles ni Boatwright bago nila harapin ang Syria sa Nob­yembre 27 at Iran sa Nob­yembre 29.

Hindi kasi umabot ang mga papeles ng 30-anyos na Filipino-American kabilang na ang pasaporte para sa 20th Asian Games at Window 4 ng Asian Qualifiers, kung saan All-Filipino ang isinalang ng SBP dahil wala rin si Brownlee.

Hulyo pa lumusot sa Kongreso ang naturalization bill ni Boatwright habang naisabatas na ito noong Agosto.

Sa kawalan ng natura­lized players, nawalis ng Gilas Team A ang Window 4 sa homecourt nito sa MOA Arena kontra sa Jordan, 82-81, at Iran, 68-56, para makahabol sa 4-4 kartada sa Group E habang bigong madepensahan ng all-PBA Gilas team ang ginto sa Asiad nang masibak agad sa pool play.

GILAS

PBA

  • Latest
Latest
Latest
abtest
Recommended
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with