Santos gagawin lahat para sa korona

MANILA, Philippines — Ito ang kauna-unahang finals appearance ni Cignal star spiker Erika Santos.
Kaya naman hindi na niya pakakawalan ang pagkakataong makamit ang pinapangarap na Premier Volleyball League (PVL) title.
“Masaya kasi malaking experience talaga eh,” sabi ni Santos. “Lalo na first time kong mag-Finals, so gagawin ko ‘yung best ko.”
Magkasunod na tinalo ng Super Spikers ang Farm Fresh Foxies at Creamline Cool Smashers sa single round-robin semifinals para makuha ang unang finals berth ng 2026 PVL All-Filipino Conference.
Tinapos din ng Cool Smashers ang semis sa 2-1 mula sa mga panalo sa PLDT High Speed Hitters at Foxies.
Sisimulan ng Cignal at Creamline ang kanilang best-of-three championship series sa Martes sa Smart Araneta Coliseum.
“Iyong uhaw kasi ang tagal nito eh, parang ilang years din in the making tapos finally nandito na sa Finals,” sabi ng 28-anyos na dating outside spiker.
Nauna nang winalis ng Cool Smashers ang Super Spikers, 3-0, sa 2024 Invitationals na siyang naging huling pagrereyna ng tropa ni coach Sherwin Meneses.
Tinalo ng Creamline ang Cignal sa preliminaries bago nakabawi ang huli sa Qualifying Round at semis.
- Latest





















