Lady Knights tinuhog ang NCAA crown
MANILA, Philippines — Tinapos ng Colegio de San Juan de Letran ang 28 taong pagkauhaw sa korona matapos talunin ang De La Salle-College of Saint Benilde, 15-25, 25-17, 26-24, 17-25, 15-12, sa ‘winner-take-all’ Game Three ng NCAA Season 101 women’s volleyball championship series kahapon sa Rizal Memorial Coliseum.
Isinara ng Lady Knights sa 2-1 ang kanilang best-of-three titular showdown ng Lady Blazers na nadiskaril ang hangad na ‘five-peat’.
Nakabawi rin ang Letran sa pagwalis sa kanila ng St. Benilde sa Season 99 at 100 Finals.
Pumalo si Nicen Colendra ng team-high 23 points mula sa 21 attacks, isang service ace at isang block para banderahan ang Lady Knights ni coach Mayeth Carolino na kasama sa huling back-to-back championships ng tropa noong 1997 at 1998.
Si Letran star hitter Judith Nitura ang hinirang na NCAA Season 101 Most Valuable Player.
Sa men’s division, tinalo ng St. Benilde Blazing Spikers ang Mapua Cardinals, 25-23, 25-18, 25-21, sa Game Three para angkinin ang korona.
Ito ang unang titulo ng Blazing Spikers matapos ang siyam na taon.
- Latest





















