Top 4 spot target ng Cool Smashers

MANILA, Philippines — Matapos humataw ng limang sunod na panalo ay nahulog ang Creamline sa dalawang dikit na kamalasan na dumiskaril sa kanilang pag-entra sa Qualifying Round ng 2026 Premier Volleyball League All-Filipino Conference.
Kaya naman kailangan ng Cool Smashers na manalo sa Cignal Super Spikers ngayong alas-6:30 ng gabi sa FilOil Centre sa San Juan City.
“So for our campaign in this tournament, we’re really gonna fight, and we’re gonna give our all every single game. Kung saan kami aabutin, dun siguro,” ani Creamline star Alyssa Valdez matapos ang kanilang 16-25, 22-25, 25-18, 23-25 kabiguan sa Farm Fresh noong Martes.
Hindi naglaro sina injured leading scorers Bernadeth Pons at Jema Galanza para sa Cool Smashers habang may sakit si coach Sherwin Meneses.
Bumabandera ang PLDT hawak ang 7-2 baraha sa itaas ng sister team Cignal (6-2), Nxled (5-4), Akari (5-3), Creamline (5-3), Farm Fresh (4-4), Choco Mucho (4-5), Capital1 Solar Energy (3-5), Galeries Tower (2-6) at ZUS Coffee (1-8).
Ibinabase ang team standings sa total points.
Sa unang laro sa ala-1:30 ng hapon magkikita ang Solar Spikers at Highrisers kasunod ang banggaan ng Chargers at Foxies sa alas-4 ng hapon.
Pasok na sa Qualifying Round ang High Speed Hitters at Super Spikers kung saan lalabanan ng No. 1 team ang No. 4 at sasagupain ng No. 2 ang No. 3 para sa dalawang semifinal spots.
Kumpara sa Cool Smashers, dalawang sunod na panalo ang hinataw ng Super Spikers laban sa Solar Spikers at Thunderbelles.
- Latest


















