Bagong National Taekwondo Center sa RMSC

MANILA, Philippines — Natupad na ang ilang dekadang pangarap ng Philippine Taekwondo Association (PTA) na magkaroon ng mas maganda at mas malaking tahanan.
Kahapon ay isinagawa ang isang groundbreaking ceremony para sa pagtatayo ng National Taek-wondo Center sa Rizal Memorial Sports Complex sa Malate, Manila.
Pinamunuan nina Philippine Sports Commission (PSC) chairman Patrick ‘Pato’ Gregorio, PTA president Rafael Alunan at PTA chairman at Grand Master Hong Sung Chon ang se-remonya.
“The groundbreaking signals a bright future not only for Philippine Taekwondo, but Philippine sports in general. I’m excited to get to that moment,” wika ni Alunan sa National Taekwondo Center na ipapalit sa Philippine Bowling Center.
Ang bowling center ay ililipat sa New Clark City Sports Complex sa Capas, Tarlac, ayon kay Gregorio.
Inaasahang matatapos ang pagpapagawa sa National Taekwondo Center sa Disyembre.
Samantala, sinabi ni Gregorio na sinimulan na ng Philippine Amusement and Gaming Corporation (Pagcor) ang pagre-remit ng limang porsiyento ng gross earnings nila sa PSC
Ito ay base na rin sa naging desisyon ng Supreme Court (SC) kamakailan na nakasaad sa Republic Act No. 6847.
“Nagsimula na po iyan kahapon. Tuluy-tuloy na po iyan, buwan-buwan, tuluy-tuloy na po iyan,” wika ng PSC chief.
“So, the funds, the blessings we get, we now turn over right away and work with the National Sports Associations to make sure that they get world-class facilities,” dagdag nito.
- Latest


















