Gilas kakayod ng husto vs boomers

MANILA, Philippines — Ibubuhos na ng Gilas Pilipinas ang buong lakas nito sa pagsagupa kontra Australia ngayong gabi sa second window ng FIBA World Cup Asian Qualifiers sa Mall of Asia Arena sa Pasay City.
Magtatagpo ang Gilas Pilipinas at Boomers sa alas-7:30 ng gabi kung saan inaasahang durumugin ang venue ng mga Pinoy fans suot ang blue t-shirts.
Mataas ang moral ng Australia na namamayagpag sa Group A tangan ang malinis na 3-0 rekord.
Nakabuntot naman sa ikalawang puwesto ang Gilas na may 2-1 marka.
Galing ang Gilas sa 66-69 kabiguan sa New Zealand noong Huwebes kaya’t desidido ang Pinoy squad na makaresbak.
Ayaw na ni Gilas head coach Tim Cone na maulit ang nangyari sa laban ng kanyang tropa kontra sa New Zealand.
“I just don’t want to get into the ‘we almost won, we almost did that.’ We don’t want to play that game with ourselves. We wanna win games,” ani Cone.
Kaya naman inaasahang babanat ng husto ang bawat miyembro ng Gilas kabilang na si naturalized player Justin Brownlee na nalimitahan lamang sa apat na puntos.
Kailangan ni Brownlee ng solidong suporta mula sa ibang miyembro ng Gilas.
Nangunguna rito si Dwight Ramos na kumana ng 16 puntos kontra sa Tall Blacks.
Subalit markado rin si Ramos ng Australian coaching staff.
Maliban kina Brownlee at Ramos, kailangang kumayod ng husto nina Quentin Millora-Brown, AJ Edu, CJ Perez, Scottie Thompson, June Mar Fajardo, Kevin Quiambao at Carl Tamayo.
Kung mananalo ang Gilas Pilipinas sa Australia, awtomatiko nitong makukuha ang tiket sa second round ng qualifiers.
Ngunit hindi magiging madali ang lahat para sa Gilas dahil tiyak na babanat ng husto ang Australia upang maprotektahan ang malinis na rekord nito.
- Latest




















