Galedo bumandera sa ITT for Masters

MANILA, Philippines — Ginamit ni Mark John Lexer Galedo ang kanyang eksperyensa para dominahin ang Individual Time Trial para sa Masters at tumapos ang mga Standard Insurance riders sa 1-2-3 sa Women’s Under-23 ng individual road race sa PhilCycling National Championships for Road 2026.
Ngunit naging tampok sa karera ang paggawad ng Mark Arvin España Armendez Gold Medal sa Men Junior road race champion na napanalunan ni Kim Jerome Duremdes — na sinundan ng pagbibigay ng certificate sa mga magulang ng pumanaw na 18-anyos na rider na sina Johny at Marlyn at kapatid na si Joanna Mae.
“Maraming salamat po sa tribute sa aming anak na talagang dedicated po sa cycling,” naiiyak na wika ni Marlyn Armendez sa mga cyclists at sa mga fans. “Bago po siya namatay ay nag-train na po siya para sa national championships.”
Namatay si Armendez matapos makuryente sa pangingisda gamit ang improvised electric device sa isang sapa sa likod ng kanilang bahay sa Barangay Palina East sa Urdaneta City, Pangasinan noong Enero 22, saktong isang linggo bago ang kanyang ika-19 kaarawan.
Samantala, ipinakita ni Galedo ag kanyang pagiging back-to-back champion sa ITT Masters 40-44 age category ng Asian Cycling Confederation Road Championships (Thailand 2025 at Saudi Arabia 2026) matapos pamunuan ang 18-km race-against-the-clock race sa loob ng 22 minuto.
Iniwanan ng dating Southeast Asian Games gold medalist, miyembro ngayon ng national road coaching staff, ng 40 segundo si Ronnel Hualda at halos isa at kalahating minuto si third-placer Jacinto Barbaran Jr. sa event na inihandog ng Standard Insurance at ng MVP Sports Foundation.
Nagreyna naman ang Standard Insurance riders sa Women’s Under-23 road race ng event na sinuportahan din ng Philippine Sports Commission, Philippine Olympic Committee, Tagaytay City sa pamumuno ni Mayor Brent Tolentino, Excellent Noodles at 7-Eleven Philippines.
Si Angela Joy Marie Bermejo ang nagwagi sa 88-km race sa bilis na 2:07:45 kasunod sina teammates Angelica Elvira at Rayven Joy Valdez.
- Latest




















