Ytang bumida sa UP

MANILA, Philippines — Pinagulong ng University of the Philippines ang Ateneo de Manila University, 17-25, 19-25, 25-22, 25-23, 16-14 upang sikwatin ang malinis na dalawang panalo sa UAAP Season 88 collegiate women’s volleyball tournament na nilaro sa Mall of Asia Arena sa Pasay City, kahapon.
Lumiyab sa opensa si Niña Ytang na nagtala ng 15 points mula sa 11 attacks, tatlong blocks at isang service ace para tulungan ang Fighting Maroons na ilista ang 2-0 karta.
Dumaan sa butas ng karayom ang UP bago nasilo ang panalo, muntikan pa silang mawalis matapos yumuko sa unang dalawang sets.
“Finally, we found a way to play our own game because we were worrying too much about what was happening on the other side. So, when we found that kind of rhythm, that kind of game that we like more, we became more effective,” ani UP head coach Fabio Menta.
Kumana rin si Irah Jaboneta, ng 14 markers kasama ang walong excellent digs at pitong excellent receptions habang bumakas ang 18-anyos na si Fina Ali ng 13 points para sa Fighting Maroons.
Sa ikalawang laro, hindi na pinatagal ng De La Salle University ang laban matapos nilang walisin sa tatlong sets ang University of Sto. Tomas, 25-14, 25-15, 26-24.
Dahil sa panalo ng Taft-based squad nilista nila ang 2-0 karta para saluhan sa pangalawang puwesto ng team standings ang University of the Philippines sa likod ng lider na two-time defending champion National University na may malinis na 3-0 baraha.
Ipinaramdam agad ng Lady Archers ang tulis ng kanilang pana ng dominahin nila ang Golden Tigresses sa unang dalawang sets.
Inaasahang mapapalaban ng Todo ang La Salle sa susunod nilang laro dahil katapat nila ang Fighting Maroons sa darating na Miyerkules sa Araneta Coliseum.
- Latest

















