Nxled sumalo sa liderato .

MANILA, Philippines — Nag-flex ng lakas ang Nxled matapos ang 25-18, 28-26, 25-18 demolisyon sa Capital1 Solar Energy para sumosyo sa liderato ng 2026 Premier Volleyball League All-Filipino Conference kahapon sa Ynares Center sa Montalban, Rizal.
Muling bumida sina Fil-Ams Brooke Van Sickle at MJ Phillips katuwang si Myla Pablo para sa ikalawang sunod na panalo ng Chameleons at tablahan ang Cignal Super Spikers sa liderato.
“Actually, sila very supportive sila,” ani Lyann De Guzman, pumalo ng 13 points, kina Van Sickle, Phillips at Pablo. “Everybody’s working hard and nakuha namin itong panalo as a team talaga.”
Bigo naman si Bella Belen at ang Solar Spikers na maitala ang back-to-back wins para sa kanilang 1-1 baraha.
Sa pamumuno ni Belen ay nakipagsabayan ang Capital1 sa second set matapos tumabla sa 24-24.
Sinandigan ng Nxled sina Van Sickle, Phillips at Pablo para itakas ang 28-26 panalo at ilista ang 2-0 bentahe sa laro.
Tumapos sina Van Sickle at Pablo na may tig-15 points habang may 10 markers si Phillips.
Sa unang laro, tinapos ng Galeries Tower ang 17-game losing slump matapos umeskapo sa ZUS Coffee, 25-20, 25-22, 23-25, 22-25, 15-10.
Naglista sina rookie Erika Deloria at Gayle Pascual ng tig-18 points para sa pagbangon ng Highrisers mula sa isang straight-sets loss sa Cignal Super Spikers sa una nilang asignatura.
May 11 markers si Aiza Pontillas kasunod ang 10 markers ni Jean Asis habang naglista si setter Julia Coronel ng 16 excellent sets bukod sa walong puntos.
Huli silang nanalo noong Pebrero 27 sa qualifying round ng 2025 AFC laban sa Super Spikers.
Laglag naman ang Thunderbelles, ang 2025 PVL Reinforced Conference runner-up, sa 0-2.
Bumalikwas ang ZUS Coffee, nanggaling sa isang four-set loss sa Capital1 Solar Energy, mula sa 0-2 pagkakabaon sa Galeries Tower para tumabla sa 2-2 at humirit ng fifth set.
Huling nakadikit ang Thunderbelles sa 9-13 galing sa atake ni Gagate bago hatawin nina Erika Raagas at Asis ang huling dalawang puntos na sumelyo sa panalo ng Highrisers.
Pinamunuan ni Chinnie Arroyo ang Thunderbelles sa kanyang game-high 20 points
- Latest




















