76ers umeskapo sa Rockets sa OT

PHILADELPHIA - Iniskor ni Tyrese Maxey ang anim sa kanyang 36 points sa overtime habang tumipa si Joel Embiid ng triple-double na 32 points, 15 rebounds at 10 assists sa 128-122 pagdaig ng 76ers sa Houston Rockets.
May 10 assists din si Maxey.
Nag-ambag si Kelly Oubre Jr. ng 26 points para sa Philadelphia (24-19) na nakahugot kay Paul George ng 10 points.
Bumanat si Kevin Durant ng 36 points kasunod ang 17 markers ni Amen Thompson sa panig ng Houston (26-16).
Binuksan ng 76ers ang extra session sa 5-0 atake mula sa three-point shot ni George at basket ni rookie VJ Edgecombe para kontrolin ang laro.
Naglaro ang Rockets na wala sina injured Aaron Holiday (back spasms) at center Steven Adams (left ankle sprain).
Nagkaroon ang Philadelphia ng tsansang manalo sa regulation, ngunit sinupalpal ni Durant ang driving layup attempt ni Maxey sa huling 13.2 segundo para ihatid ang Houston sa overtime.
Nauna nang kinuha ng 76ers ang 94-88 abante sa fourth quarter bago nakabangon ang Rockets para agawin ang 105-96 bentahe sa 6:25 minuto mula sa ikatlong triple ni Reed Sheppard.
Sa iba pang laro, wagi ang Denver Nuggets sa Washington Wizards, 107-97; dinaig ng Dallas Mavericks ang Golden State Warriors, 123-115; panalo ang Los Angeles Clippers sa Lakers, 112-104; sinuwag ng Chicago Bulls ang Minnesota Timberwolves, 120-115, iginupo ng Charlotte Hornets ang Orlando Magic, 124-97; at nirapido ng San Antonio Spurs ang Utah Jazz, 126-109.
- Latest






















