Eya Laure ipaparada ng Flying Titans vs Chargers

Sa PVL All Filipino Conference opener
MANILA, Philippines — Kaagad isasabak ng Choco Mucho ang bagong hugot na si Eya Laure sa pagsagupa sa Akari sa pagbubukas ng 2026 Premier Volleyball League (PVL) All-Filipino Conference sa Enero 31 sa FilOil Centre sa San Juan City.
Ito ang magiging unang laro ng Alas Pilipinas star spiker matapos mawala sa PVL simula noong 2024 All-Filipino Conference dahil sa isyu sa kanyang kontrata sa nabuwag nang Chery Tiggo.
Makakatambal ni Laure sa Flying Titans ang nagbabalik na si Sisi Rondina na tinulungan ang Alas Pilipinas women’s beach volleyball team na makopo ang kauna-unahang gold medal sa nakaraang 33rd Southeast Asian Games sa Thailand.
Bukod kay Laure ay ipaparada rin ng Choco Mucho sina Jaila Atienza, Alina Bicar at ang nagbalik na si Caitlin Viray.
Kinuha naman ng Akari sina Judith Abil, Cza Carandang at Jyne Soreño para sa kanilang kampanya sa unang torneo ng PVL ngayong taon.
Magtutuos ang Flying Titans at Chargers sa alas-6:30 ng gabi matapos ang bakbakan ng Cignal Super Spikers at Galeries Tower Highrisers sa alas-4 ng hapon.
Ipaparada ng Cignal ang bagong hugot na si setter Ivy Perez, habang tinapik ng Galeries Tower sina veteran Aiza Maizo-Pontillas, Jules Samonte, Maji Mangulabnan, Venice Puzon at Gayle Pascual.
Ang bagong head coach na si Aying Esteban ang gagabay sa Highrisers kapalit ni Godfrey Okumu.
- Latest





















