Para tankers lumangoy ng 3 ginto sa Dubai

DUBAI, United Arab Emirates -- Tatlong gold medals ang nilangoy nina Ric Daniel Pasadilla at Raemond Adefuin sa para swimming sa Asian Youth Para Games dito sa Hamdan Sports Complex.
Dinomina ng 13-anyos na si Pasadilla ng Pototan National Comprehensive High School sa Iloilo ang boys’ 12-16 200-meter individual medley SM 4-14 multi-class event sa bilis na 2:36.36.
Sa kanyang pagbabalik sa pool ay isinunod niya ang ginto sa 100m backstroke S1-2/S6-14 multi-class division sa oras na 1:11.39.
Bukod sa dalawang gold medals ay sumisid din si Pasadilla ng silver sa boys’ 12-16 100m freestyle S1-14 multi-class S10 sa kanyang oras na 1:06.13 sa ilalim ni gold medalist Sepanta Navidi ng Iran (1:04.32).
Sinikwat naman ni Adefuin, ang nagbigay sa bansa ng unang gold sa pagbubukas ng event, ang kanyang ikalawang gold sa paghahari sa boys’ 12-16 200m IM SM 5-14 multi-class sa bilis na 2:57.17.
Ang apat na gold ang bumura sa isang gold, anim na silver at dalawang bronze medals na nakolekta ng Team Philippines noong 2021 edition sa Manama, Bahrain.
Nagdagdag sina para swimmers Mary Hannah Diesto, Zach Lucas Obsioma, Bladimir Sebastian Gonzales at para table tennis players Lhey Manginsay at Barge Cabañero ng mga silver at bronze medals para sa apat na golds, anim na silvers at tatlong bronzes ng delegasyon.
Segunda si Diesto sa girls 12-15 400m free S6-14 multi-class (6:01.70) at sa girls 12-15 100m backstroke S1-2/S6-14 multi-class (1:34.07).
Pilak din ang nakuha ni Obsioma sa boys 12-16 400m free S6-14 multi-class (7:37.4) at ni Manginsay sa women’s U23 singles Class 9.
- Latest


















