Morocco binokya ng Argentina
MANILA, Philippines — Blinangka ng No. 6 Argentina ang No. 31 Morocco, 6-0, para simulan ang kanilang misyon sa Group A kagabi sa FIFA Futsal Women’s World Cup sa PhilSports Arena sa Pasig City.
Anim na Argentinians ang umiskor para dominahin ang mga Moroccans.
Sunod na makakatapat ng Argentina ang No. 14 Poland sa Lunes at ang No. 63 Pilipinas sa Nobyembre 27.
Kasalukuyan pang naglalaban ang Filipina5 at ang mga Poles kagabi habang isinusulat ito.
Samantala, sisimulan ng World No. 2 Spain ang kanilang kampanya sa Group B .
Magsisipaan ang mga Spaniards at Thais ngayong alas-7:30 ng gabi.
Sa unang laro sa alas-5 ng hapon magtutuos naman ang World No. 8 Colombia at No. 74 Canada.
Sasandal ang Spain kay Patricia Gonzalez Mota na hinirang na Best Female Player of the World sa 2022 Futsal Awards kasama si Irene Samper na tumulong sa La Roja sa pagkopo sa tatlong European futsal titles.
Nagmula naman ang Thailand sa runner-up finish sa nakaraang AFC Women’s Futsal Asian Cup noong Mayo sa China matapos matalo sa Japan sa finals.
Sa unang laban, ipaparada ng Colombia si Nicole Mancilla, ang futsal reigning Best Women’s Young Player, na naging top scorer sa 2025 Copa America.
Ang 16-team tournament ay itinataguyod ng Philippine Sports Commission (PSC) kasama ang Philippine Football Federation (PFF).
- Latest


















