Flying Titans kinaldag ng Foxies

MANILA, Philippines — Ipinagpag ng Farm Fresh ang Choco Mucho, 25-18, 25-13, 18-25, 26-24, para makatiyak ng top two finish sa Pool A ng 2025 Premier Volleyball League (PVL) Reinforced Conference kahapon sa FilOil EcoOil Arena sa San Juan City.
Humataw si Belgian hitter Eli Rousseaux ng 27 points mula sa 25 attacks at dalawang blocks para sa 4-1 record ng Foxies na nakaiwas sa magkadikit na talo.
Nagdagdag si Trisha Tubu ng 17 markers kasunod ang 11 points ni Ces Molina habang may 20 excellent sets si Fil-Am setter Alohi-Robbins Hardy.
Umiskor si Kat Tolentino ng 12 points para sa 2-3 baraha ng Flying Titans at may 11 at 10 markers sina Royse Tubino at Maddie Madayag, ayon sa pagkakasunod.
Matapos maagaw ng Choco Mucho ang third set, 25-18, ay naiwan ang Farm Fresh sa 20-22 sa fourth frame.
Nagkaroon si Tolentino ng attack error sa posesyon ng Flying Titans kasunod ang cross-court kill ni Rousseaux para sa panalo ng Foxies.
Sa unang laro, winalis ng Capital1 Solar Energy ang Cignal, 25-23, 25-23, 25-21, para palakasin ang tsansa sa Top 3 spot sa Pool A.
Humampas si Ukranian import Oleksandra Bytsenko ng 23 points at may 11 markers si No. 1 overall pick Bella Belen para sa 2-2 baraha ng Solar Spikers.
“Since the first point, we knew we had a plan and we followed. Even if we had to do some changes, we did. We adjusted the team, especially on the third set,” ani Brazilian coach Jorge Souza de Brito.
Laglag ang Super Spikers sa 2-3 marka at napunta sa Pool C sa knockout phase.
Tanging si Slovakian reinforcement Karin Trebichavská ang umiskor ng double figures para sa Cignal sa kanyang 22 points kasunod ang siyam na marka ni Erika Santos.
- Latest























