Suns pinalubog ng Nuggets
DENVER — Inilista ni Nikola Jokic ang kanyang ikalawang triple-double sa season at umiskor si Jamal Murray ng 23 points sa 133-111 pagpapalubog ng Nuggets sa Phoenix Suns.
Humakot si Jokic ng 15 assists, 14 rebounds at 14 points para sa kanyang ika-166 career triple-doubles sa regular season para pumangatlo kina Russell Westbrook (203) at Oscar Robertson (181).
Kumamada si Devin Booker ng 31 points at may 17 markers si Grayson Allen para sa Phoenix na nagmula sa kabiguan sa Los Angeles Clippers .
Bumangon ang Suns mula sa isang 20-point deficit sa third period para makalapit sa 74-83.
Ngunit muling nakalayo ang Nuggets sa 100-83 patungo sa 108-86 kalamangan kasama ang three-point shot ni Murray sa pagbubukas ng fourth quarter.
Sa Memphis, tumipa si rookie Cedric Coward ng 22 sa kanyang 27 points sa second half para tulungan ang Grizzlies sa 128-103 pagsakmal sa Indiana Pacers.
Sa iba pang laro, tinalo ng nagdedepensang Oklahoma City Thunder ang Atlanta Hawks, 117-100; panalo ang Chicago Bulls sa Orlando Magic, 110-98; at nakapuslit ang Philadelphia 76ers sa Charlotte Hornets, 125-121.
- Latest

















