Pinas may bagong world champion
MANILA, Philippines — Isa na namang Pinoy cue master ang hahawak sa 2025 WPA Women’s World 10-Ball crown.
Ito ay matapos maisaayos nina Chezka Centeno at Rubilen Amit ang all-Filipino championship showdown sa WPA Women’s World 10-Ball na ginaganap sa Bali, Indonesia.
Nakapasok sa finals sina Centeno at Amit nang pataubin nito ang kani-kanyang karibal sa semifinals.
Inilampaso ni Centeno si three-time World 9-Ball champion Liu Shasha ng China sa pamamagitan ng 3-0 demolisyon.
Target ni Centeno na maibalik sa kanyang palad ang korona na napanalunan nito noong 2023 edisyon.
Una nang tinalo ni Centeno si 2024 World 10-Ball titlist Kristina Tkach ng Russia sa firfst round (3-1) bago iginupo si Wang Wan-Ling ng Chinese-Taipei sa quarterfinals (3-2).
Sa kabilang banda, nanaig si Amit kay Margarita Fefilova ng Belarus sa bisa ng 3-1 desisyon.
Target ni Amit na masungkit ang ikatlong World 10-Ball crown nito matapos pagreynahan ang naturang torneo noong 2009 at 2013 edisyon.
Nakapasok si Amit sa semis nang pataubin nito sina Pia Filler ng Germany sa first round (3-0) at Chou Chieh-Yu ng Chinese-Taipei sa quarterfinals (2-3).
- Latest























