Alas Pilipinas pinuri ng Senado

MANILA, Philippines — Kinilala ng Senado ang matikas na ratsada ng Alas Pilipinas sa katatapos na 2025 FIVB Men’s World Championship na ginanap sa bansa.
Maganda ang ginawang laban ng Alas Pilipinas na tumapos sa ika-19 puwesto sa world meet.
Kaya naman gumawa ng resolution si Senate Minority Leader Alan Peter Cayetano para bigyang-pugay ang Alas Pilipinas.
Inilatag ni Cayetano ang Senate Resolution No. 143 bilang pagkilala sa pagbibigay-karangalan ng Alas Pilipinas sa bansa.
“Sports brings Filipinos together. This team not only made us proud during the SEA Games, but they also made sure they will pleasantly surprise us,” ani Cayetano.
Ang tagumpay ng Alas Pilipinas sa world stage ay nagsilbing liwanag sa bansa sa kabila ng kaliwa’t kanang kontrobersiya sa pulitika.
Sinang-ayunan naman ng lahat ng senador ang resolution sa pangunguna nina Majority Floor Leader Juan Miguel “Migz” Zubiri at Senators Francis “Kiko” Pangilinan, Joel Villanueva at Erwin Tulfo.
Kasama ng Alas Pilipinas sa senado sina Philippine National Volleyball Federation president Ramon “Tats” Suzara at secretary-general Donaldo Caringal gayundin sina Alas Pilipinas head coach Angiolino Frigoni, deputy coach Ogie Mamon at team captain Bryan Bagunas.
Sa pagtatapos ng eliminasyon, nasa ikaapat na puwesto si Bagunas bilang tournament top scorer habang nasa ikaapat din si Marck Espejo sa reception department.
Kinilala rin si Frigoni na siyang gumabay sa Alas Pilipinas sa programa nito.
“Honoring Filipino athletes serves a public purpose because their achievements inspire national pride, set standards for sports programs, and justify sustained investment in facilities, training, and athlete support nationwide,” ani Cayetano.
Sunod na pagtutuunan ng pansin ang hosting ng bansa ng FIVB Women’s Volleyball Championship sa 2029.
- Latest





















