Back-to-back sa Italy

MANILA, Philippines — Muling nagkampeon ang World No. 2 Italy sa ikalawang sunod na pagkakataon matapos talunin ang World No. 9 Bulgaria, 25-21, 25-17, 17-25, 25-10, para sa gold medal ng 2025 FIVB Volleyball Men’s World Championship kahapon sa Mall of Asia Arena sa Pasay City.
Pumalo si Yuri Romano ng 22 points mula sa 16 attacks, limang service aces at isang block para sa paghablot ng mga Italians sa back-to-back titles sa harap ng 16,429 fans.
Nag-ambag si Mattia Bottolo ng 18 markers habang may 11 points si Alessandro Michieletto at naglista si setter Simone Giannelli ng 35 excellent sets.
Ito ang pang-limang ginto ng Italy na naghari noong 1990, 1994, 1998 at 2022 sa ilalim ng anim ng nangungunang Soviet Union na nagkampeon noong 1949, 1952, 1960, 1962, 1978 at 1982.
Binanderahan ni Aleksandar Nikolov ang mga Bulgarians sa kanyang 23 points at may 32 excellent sets ang kanyang utol na si Simeon.
Matapos ang matagumpay na pamamahala sa 2025 Men’s World Championship ay sunod na idaraos sa Pilipinas ang 2029 Women’s World Championship.
Ito ang inihayag nina FIVB president Fabio Azevedo at dating superstar at ngayong Brazilian Senator na si Leila Barros.
Sa unang laro, nagpasabog si Wilfredo Leon ng 24 points mula sa 21 attacks at tatlong blocks para gabayan ang World No. 1 Poland sa 25-18, 23-25, 25-22, 25-21 paggupo sa World No. 18 Czechia at ibulsa ang bronze medal.
Nagdagdag si Kewin Sasak ng 11 markers para sa kauna-unahang tanso ng mga Poles sa kanilang anim na podium finishes tampok ang ginto noong 1974, 2014 at 2018 at pilak noong 2006 at 2022.
- Latest


















