Chiu hinirang ng Dyip na No. 1 pick

MANILA, Philippines — Bumandera ang higanteng si Geo Chiu bilang No. 1 overall pick ng Terrafirma sa PBA Season 50 Rookie Draft na idinaos kahapon sa SM Mall of Asia Music Hall sa Pasay City.
Sa taas na 6-foot-9, si Chiu ang pinakamatangkad sa buong 2025 PBA Draft class at siya ring may pinakamahabang armspan pati na ng standing reach kaya napili ng Dyip bilang pambato nito.
Si Chiu ang ikalawang dikit na sentro na nasikwat bilang top draft selection matapos kunin ng Converge bilang No. 1 overall pick si MPBL MVP Justine Baltazar sa Season 49.
Aasa ang Dyip, sa pangunguna ng bagong coach na si Ronald Tubid kapalit ni Raymond Tiongco, sa kalibre at karanasan ni Chiu bilang UAAP champion para sa Ateneo Blue Eagles at Asian import sa Japan B. League.
Naglalaro pa si Chiu sa MPBL para sa Abra Solid North Weavers at tatapusin muna ang torneo bago samahan ang Dyip sa PBA Season 50 sa Oktubre.
Samantala, sinungkit ng Converge si Juan Gomez De Liaño bilang 2nd overall pick matapos nitong makuha ang draft rights ng Phoenix kapalit ang No. 8 pick at si Bryan Santos.
Ginamit ng Fuel Masters ang No. 8 pick para kunin si NCAA MVP Will Gozum.
Napili bilang No. 3 pick ng Blackwater si dating Batang Gilas Pilipinas guard Dalph Panopio at sina Chris Koon (No. 4) ng NorthPort, Ljay Gonzales (No. 5) ng NLEX ang kumumpleto sa Top 5.
Swak din sina Yukien Andrada (No. 6) ng Magnolia, Jason Brickman (No.7) ng Meralco, Chris Miller (No.9) ng San Miguel, Christian Manaytay (No. 10) ng Rain or Shine, Draft Combine MVP Sonny Estil (No. 11) ng Ginebra at Jun Roque (No. 12) ng Rain or Shine sa 1st round.
Bida sa second round sina Mario Barasi (Ginebra,) Dave Ando (Phoenix), Ximone Sandagon (Blackwater), CJ Austria (NorthPort), Arvin Gamboa (NLEX), Shawn Umali (Terrafirma) at Vince Magbuhos (Meralco).
- Latest




















