Napolis nakuntento sa silver sa World Games

MANILA, Philippines — Ibinigay ni Kaila Napolis ang unang medalya ng Pilipinas sa 2025 World Games.
Nakuntento si Napolis sa pilak matapos matalo kay South Korean Eon Ju Im sa women’s ju-jitsu -52-kilogram ne-waza sa finals kahapon sa Jianyang Cultural and Sports Centre Gymnasium sa Chengdu, China.
Tinangka ni Napolis na ihagis palabas ng mat si Im para makawala sa 2-2 pagkakatabla at agawin ang panalo.
Ngunit mas maganda ang posisyon ng South Korean na umibabaw sa Filipina grappler para makuha ang deciding point at ang gold medal.
Samantala, minalas si Annie Ramirez na makapasok sa medal round ng women’s -57kg class matapos matalo sa dalawa niyang laban.
May tsansa pa siya sa open ne-waza category.
Sa Sancha Lake Taohuadao Arena, bigo si Raph Trinidad na makakuha ng medalya sa cable men’s wakeboard event sa pagtatapos niya sa fourth place sa itinalang 56.60 points.
Inangkin ni Frenchman Loic Deschaux ang ginto sa kanyang 95.00 points kasunod sina Germans Max Milde (92.80) at Florian Weiherer (65.00) para sa pilak at tanso, ayon sa pagkakasunod.
Sa billiards, dinaig ni Chezka Centeno si Savannah Easton ng USA, 7-2, sa women’s 10-ball event para makaharap si hometown bet Yu Han ngayong umaga.
Bigo naman si Southeast Asian Games champion Rubilen Amit kay Pia Filler ng Germany, 4-7.
Nakatakda niyang harapin si Chinese Shasha Liu ngayong hapon.
Sa wushu, wagi si Krizan Faith Collado kay Elisabetta Sirto ng Italy, 2-0, sa women’s sanda -52kg event.
- Latest




















