Chery Tiggo ‘di sinayang ang pagkakataon

MANILA, Philippines — Hindi na pinakawalan ng Chery Tiggo ang pagkakataong makasampa sa quarterfinals ng 2025 Premier Volleyball League on Tour.
Ito ang ibinilin ni coach Norman Miguel sa kanyang Crossovers na tinalo ang Galeries Tower Highrises, 25-23, 25-22, 25-21, sa kanilang crossover knockout match noong Sabado sa Dasmariñas Arena sa Cavite.
“Ang daming mga lessons na kailangang matutunan. Binigyan tayo ng opportunity to go to the quarterfinals,” wika ni Miguel sa Chery Tiggo.
“At least alam na namin ‘yung mga preparations na kailangan naming gawin. It’s more on the character talaga. Skills, nandiyan na ‘yan eh,” dagdag nito.
Lalabanan ng Crossovers sa knockout quarterfinals ang Nxled Chameleons.
Nauna nang nadiskaril ang pagpasok ng Chery Tiggo sa quarterfinals nang matalo sa ZUS Coffee, 25-9, 22-25, 25-18, 19-25, 6-15, sa pagtatapos ng pool play.
“Kinausap ko na sina Ara (Galang), Aby (Maraño) at Jasmine (Nabor) na huwag ninyong sukuan itong game na ito knowing how important this game is,” sabi ni Miguel.
Nagtala si Galang ng 11 points at 11 excellent digs para banderahan ang Crossovers sa pagsibak sa Highrisers, habang pumalo si Cess Robles ng 13 markers.
Kumuha rin ng quarterfinal ticket ang Farm Fresh matapos patalsikin ang Capital1 Solar Energy, 25-20, 25-15, 25-21.
- Latest



















