Cignal ‘di bibitaw sa itaas
MANILA, Philippines — Itutuloy ng mainit na Cignal HD ang pananalasa sa Pool B sa pagharap sa Chery Tiggo sa 2025 Premier Volleyball League (PVL) on Tour sa City of Passi Arena sa Iloilo City.
Puntirya ang ikaapat na sunod na panalo, sasagupain ng HD Spikers ang Crossovers ngayong alas-6:30 ng gabi matapos ang salpukan ng Creamline Cool Smashers at ZUS Coffee Thunderbelles sa alas-4 ng hapon.
Solo ng Cignal ang liderato sa Pool B sa kanilang bitbit na 3-0 baraha sa itaas ng Chery Tiggo (2-0), Creamline (2-1), ZUS Coffee (1-1), Akari (2-3) at Capital1 Solar Energy (0-5).
Magkasosyo sa liderato sa Pool A ang PLDT at Nxled sa magkapareho nilang 3-0 kartada kasunod ang Farm Fresh (2-1), Petro Gazz (1-3), Choco Mucho (1-3) at Galeries Tower (0-3).
Huling biniktima ng HD Spikers ang Cool Smashers, 25-22, 25-18, 28-26, para sa kanilang ikatlong sunod na ratsada.
Wagi rin ang Crossovers sa kanilang huling laro matapos talunin ang Chargers, 24-26, 25-19, 25-16, 23-25, 15–10.
“Masayang masaya. Siyempre, hindi ba, two games tapos two wins. Kasi malaking bagay ito sa amin. Sobrang masaya,” ani Chery Tiggo coach Norman Miguel na muling aasahan sina Cess Robles, Ara Galang, Jasmine Nabor, rookies Jyne Soreño at Renee Penafiel.
Sina veteran setter Gel Cayuna, Erika Santos, Ishie Lalongisip at Heather Guino-o naman ang itatapat ng Cignal.
Sa ikalawang laro, pipilitin ng Cool Smashers na makabangon mula sa 22-25, 18-25, 26-28 pagyukod sa HD Spikers sa kanilang pagharap sa Thunderbelles na umiskor ng 20-25, 26-24, 23-25, 25-18, 15-11 panalo sa Solar Spikers sa Montalban, Rizal leg.
- Latest

















