Cool Smashers makatabla kaya?

MANILA, Philippines — Ang tsansang makamit ang pambihirang ‘five-peat’ para sa kabuuang ika-11 kampeonato.
Ito ang magiging motivation ng nagdedepensang Creamline sa pagsagupa sa Petro Gazz ngayong alas-6:30 ng gabi sa Game Two ng 2024-25 Premier Volleyball League (PVL) All-Filipino Conference Finals sa Smart Araneta Coliseum.
Hinataw ng Gazz Angels ang 25-17, 25-20, 18-25, 20-25, 15-10 panalo sa Game One para sa 1-0 lead sa Cool Smashers sa kanilang best-of-three championship series.
Lumapit ang Petro Gazz sa pagkopo sa ikatlong PVL crown na determinadong pigilan ng Creamline.
“Sayang, sayang kasi nilaban ng third and fourth eh, tapos hindi lang talaga namin natapos nu’ng fifth,” sabi ni Jema Galanza na humataw ng 10 points sa kabiguan ng Cool Smashers.
Ang tinutukoy ng 5-foot-7 outside hitter ay ang pagresbak ng 10-time PVL champions mula sa 0-2 pagkakabaon para makatabla sa 2-2 at makapuwersa ng fifth set.
“Siguro ‘yung kailangan, una pa lang lumaban na kami agad. Kung kaya namin pumuntos ng anim, walo dire-diretso, una pa lang dapat ilaban namin,” dagdag ni Galanza.
Muling makakatuwang ni Galanza sina Alyssa Valdez, Bernadeth Pons, Michele Gumabao, Tots Carlos, Pangs Panaga at Bea De Leon.
Muling itatapat ng Gazz Angels sina Fil-Am Brooke Van Sickle, Myla Pablo, MJ Phillips, Jonah Sabete at Chie Saet.
Nauna nang kinuha ng Petro Gazz ang Game One ng 2023 PVL 1st All-Filipino Conference bago nakabangon ang Creamline at inagaw ang Game Two at Game Three para sa korona.
Ayaw na itong maulit ng 27-anyos na si Van Sickle.
Samantala, pipilitin ng Akari na walisin ang Choco Mucho sa Game Two ng kanilang serye para makopo ang third place.
- Latest