Gilas mapapalaban sa FIBA Asia Cup
MANILA, Philippines — Mapapalaban ang Gilas Pilipinas sa matitikas na teams sa FIBA Asia Cup 2025 na idaraos sa Agosto 5 hanggang 17 sa Jeddah, Saudi Arabia.
Base sa isinagawang draw ng FIBA Asia na ginanap sa Jeddah, nasa Group D ang Pilipinas kung saan makakasama nito ang powerhouse New Zealand, Chinese-Taipei at Iraq.
Unang makakalaban ng Pinoy squad ang Chinese-Taipei sa Agosto 6 kasunod ang New Zealand sa Agosto 8 at ang Iraq sa Agosto 10.
Ang mangungunang team sa bawat grupo ay awtomatikong uusad sa quarterfinals habang ang No. 2 at No. 3 teams ay daraan sa knockout play-off round.
Parehong may 1-1 rekord ang Gilas Pilipinas laban sa New Zealand at Chinese-Taipei sa FIBA Asia Cup Qualifiers.
Ginulantang ng Gilas Pilipinas ang New Zealand sa second window sa iskor na 92-88 sa Mall of Asia Arena noong Nobyembre.
Ngunit nakaresbak ang Tall Blacks sa final window nang itarak nito ang 87-70 panalo noong Pebrero sa Auckland.
Inilampaso naman ng Gilas ang Chinese-Taipei sa first window noong nakaraang taon, 106-53.
Suablit nagparada ng solidong lineup ang Taiwanese squad sa final window para makuha ang 91-84 panalo laban sa Gilas sa larong ginanap sa Taiwan.
Nasa Group A ang defending champion Australia kasama ang South Korea, Lebanon at Qatar habang nasa Group B naman ang Paris Olympics veteran Japan, Guam, Iran at Syria.
Pasok sa Group C ang Jordan na babanderahan ni PBA Best Import Rondae Hollis-Jefferson.
Nasa naturang grupo rin ang China, India at Saudi Arabia.
Target ng Pilipinas na makuha ang ikaanim na korona sa FIBA Asia Cup. Pinakahuli itong nagkampeon noong 1985 pa.
- Latest