Petro Gazz ‘di bibitaw sa misyon

MANILA, Philippines — Nagpakahirap ang Petro Gazz para makarating sa championship series at plantsahin ang kanilang finals rematch ng nagdedepensang Creamline.
At hindi na ito bibitawan ng two-time Premier Volleyball League (PVL) Reinforced Conference champions.
“Sabi nga ni coach Koji (Tsuzurabara), hindi lang 100 percent. 200 percent talaga,” ani Gazz Angels star Myla Pablo sa pagsagupa nila sa Cool Smashers. “Nasa Finals na kami, bakit bibitawan pa namin.”
Lalabanan ng Petro Gazz ang Creamline ngayong alas-6:30 ng gabi sa Game One ng kanilang 2024-25 PVL All-Filipino Conference best-of-three titular showdown sa Smart Araneta Coliseum.
Magtutuos naman ang Choco Mucho at Akari sa sarili nilang serye para sa third place trophy sa alas-4 ng hapon.
Kinumpleto ng Gazz Angels ang 3-0 sweep sa single-round robin semifinals matapos talunin ang Cool Smashers, Flying Titans at Chargers para sumampa sa ikaanim na PVL Finals target ang ikatlong titulo.
Sa apat na championship duel nila ng Creamline ay isang beses lamang nanalo ang Petro Gazz.
At ito ay noong 2019 Reinforced Conference tampok ang pagbandera nina imports Janisa Johnson at Wilma Salas.
“Iba pa rin talaga kapag All-Filipino. Kapag Reinforced kasi hindi lang naman sa import ‘yung gumagawa, pero sa All-Filipino kasi, lahat iyan, tulung-tulong as a team,” wika ni Pablo.
Bukod kay Pablo, muli ring aasahan ng Gazz Angels sina Fil-Am Brooke Van Sickle, Jonah Sabete, Fil-Am MJ Phillips, Aiza Maizo-Pontillas at setter Chie Saet katapat sina Alyssa Valdez, Tots Carlos, Bernadeth Pons, Jema Galanza, Bea De Leon at Michele Gumabao
Huling naglaro ang Petro Gazz sa PVL Finals noong 2023 1st All-Filipino Conference kung saan sila dinaig ng Creamline sa deciding Game Three.
Hangad ng Cool Smashers na makumpleto ang ‘five-peat’ para sa kabuuang ika-11 korona.
- Latest