Lady Altas ‘di bibitaw sa liderato vs Lady Stags
MANILA, Philippines — Ipaparada ni University of Perpetual Help System Dalta head coach Sandy Rieta ang kanyang mga bataan na sina Shaila Allaine Omipon at Winnie Bedana pagharap nila sa San Sebastian College-Recoletos upang manatiling walang bahid ang karta sa NCAA Season 100 women’s volleyball tournament na lalaruin sa JRU Gym sa Kalentong, Manila.
Solo sa tuktok ng team standings ang Perpetual kapit ang 5-0 card, mag-uumpisa ang kanilang paluan ng bola ng San Sebastian sa alas-11 ng umaga sunod ang bakbakan sa pagitan ng EAC at Letran sa ala-1 ng hapon.
Maliban kina Omipon at Bedana, kakapitan din ng UPHSD sa opensa sina Daizerlyn Joyce Uy, Pauline Mae Reyes at Jemalyn Menor.
Sa huling panalo ng Lady Altas ay dinomina nila ang EAC, 25-18, 25-16, 25-18 sa tatlong sets, kung saan ay nagtala sina Bedana at Uy ng tig 12 points habang 10, 8 at 4 ang binakas nina Omipon, Reyes at Menor, ayon sa pagkakahilera.
Pero tiyak na mapapalaban ang Lady Altas dahil may mga matitikas din na players ang Lady Stags na nakapuwesto sa pang-apat tangan ang 4-3 record.
Ibabangga ng Lady Stags sina Katherine Santos, Christina Marasigan, Juna May Gonzales at Divine Roshielle Garcia para tapatan ang mga kamador ng Lady Altas.
- Latest