Camingao gold sa Men U-23 road race

MANILA, Philippines — Solong tinawid ni Rush Camingao ang finish line para kunin ang gold medal sa Men Under-23 road race ng PhilCycling National Championships for Road kahapon sa Tuy, Batangas.
Nagsumite si Camingao ng bilis na apat na oras, isang minuto at 34.58 segundo sa pagdomina sa karerang para sa mga 18 hanggang 22-anyos na riders sa 171-km out-and-back event na inihahandog ng MVP Sports Foundation at Standard Insurance.
Sumegunda si Rking Roque (4:03.54) para sa silver medal sa torneong inorganisa ng PhilCycling sa pamumuno ni Philippine Olympic Committee president Abraham “Bambol” Tolentino.
Samantala, ibinigay ng mga Commissaires kay Steven Tablizo ng continental team Standard Insurance Philippines ang bronze medal.
Ito ay dahil sa ginawang foul riding ni Jude Gabriel Francisco ng Victoria Sports team sa final sprint.
“A report from the Chief Judge (Armanda Filosopo) and Chief and Assistant Timers (Willie Carandang at Philip Arao) prompted the handing out of the penalty on the rider,” paliwanag ni Dominic Carpio, ang presidente ng commissaire’s panel sa karera.
Kabuuang 123 riders ang pumadyak sa ilalim ng mainit at maalinsangang panahon sa start-finish sa Barangay Putol sa Tuy, Balayan, Lian at Nasugbu sa event na suportado ng POC, Tagaytay City at Excellent Noodles katuwang ang Philippine Sports Commission na nagtataguyod sa mga national cycling teams.
- Latest






















