Hotshots iniligpit ang Bolts para sa playoff

MANILA, Philippines — Tumiyak ang Magnolia ng playoff para sa No. 8 berth sa quarterfinals matapos gibain ang Meralco, 129-92, sa Season 49 PBA Commissioner’s Cup kahapon sa PhilSports Arena sa Pasig City.
“I think we have a good chance,” ani coach Chito Victolero. “Itong chance naman na ibinibigay sa amin, gina-grab lang namin.”
Humakot si import Ricardo Ratliffe ng 31 points at 19 rebounds at may 22 markers si Zav Lucero para sa 6-6 record ng Hotshots katabla ang NLEX Road Warriors.
Nag-ambag sina Ian Sangalang at Mark Barroca ng tig-18 points.
Hihintayin ni Victolero ang resulta ng laro ng TNT Tropang Giga (8-3) at Rain or Shine Elasto Painters (6-5) kagabi.
Kung mananalo ang Rain or Shine ay maaari silang umakyat sa No. 6, habang ang kabiguan ang magtatakda sa kanila ng Magnolia sa isang playoff game para sa No. 8 spot.
Ang NLEX ang kukuha sa No. 7 dahil sa kanilang superior quotient.
Balewala naman sa Bolts (7-5) ang laro dahil nakaupo na sila sa No. 5 katapat ang No. 4 Ginebra Gin Kings (8-4) para sa best-of-three quarterfinals.
Hindi pinaglaro ng Meralco si import kil Mitchell.
Matapos kunin ang first period, 35-28, ay nagpaputok ang Magnolia ng 38 points sa second quarter at pinigilan ang Meralco sa 19 markers para tangayin ang 73-47 halftime lead.
Hindi rin lumamig ang mga kamay ng Hotshots sa paglilista ng 101-75 kalamangan sa pagtiklop ng third quarter.
Mula rito ay hindi na nila nilingon pa ang Bolts na nakahugot kay Raymond Almazan ng 23 points.
- Latest