Prado nagdomina sa PhilCycling Nationals

MANILA, Philippines -- Dinomina ni veteran Jermyn Prado ang Elite Road Race para walisin ang tatlong Women Elite gold medals sa PhilCycling National Championships for Road.
Nagsumite si Prado, ipagdiriwang ang kanyang ika-32 kaarawan sa susunod na buwan, ng bilis na tatlong oras, 39 minuto at 28.17 segundo sa pagrereyna sa 88-km race sa isang 44-km circuit na pumadyak sa Tuy, Balayan, Lian at Nasugbu.
Ang matinding pagsasanay, dedikasyon at puso ang agimat ni Prado sa kanyang pagdomina sa tatlong events.
Nakuntento si Maritoni Krogg sa silver kasunod si Kate Yasmin Aquino para sa bronze medal sa torneong inihandog ng MVP Sports Foundation at Standard Insurance at inorganisa ng PhilCycling na pinamumunuan ni Philippine Olympic Committee president Abraham “Bambol” Tolentino.
Nauna nang nanguna ang Philippines 2019 Southeast Asian Games ITT gold medalist sa Criterium sa Tagaytay City Criterium at sa ITT sa isang uphill route mula Tuy hanggang Nasugbu sa Batangas.
Samantala, idinagdag ni Kim Bonilla ang Women Under-23 road race gold medal sa nauna niyang panalo sa ITT sa tiyempong 2:36:38.80 kasunod sina Wenizah Claire Vinoya at Princess Jamkyna.
Nagpasikat din ang 35-anyos na si Marcelo Felipe makaraang pagharian ang 215-km Men Elite Road race sa kanyang 5:02:25.49.
Inungusan niya sina Jericho Lucero at Jeremy Lizardo sa event na sinuportahan ng POC, Tagaytay City at Excellent Noodles kasama ang Philippine Sports Commission na nagtataguyod sa mga national cycling teams.
- Latest