‘Manila Clasico’ ngayong pasko

Magsasagupa ang Gin Kings at Hotshots sa alas-7:30 ng gabi matapos ang banatan ng mainit na Converge FiberXers at Meralco Bolts sa alas-5 ng hapon sa Smart Araneta Coliseum.
PBA Image

MANILA, Philippines — Ngayong Araw ng Pasko ay magtutuos ang magkaribal na Barangay Ginebra at Magnolia para sa kanilang ‘Manila Clasico’ sa Season 49 PBA Commissioner’s Cup.

At isa lang sa kanila ang uuwi na may dalang regalong panalo.

Magsasagupa ang Gin Kings at Hotshots sa alas-7:30 ng gabi matapos ang banatan ng mainit na Converge FiberXers at Meralco Bolts sa alas-5 ng hapon sa Smart Araneta Coliseum.

Nagmula ang Ginebra (3-2) sa 91-98 kabiguan sa Converge (5-2), habang umiskor ang Magnolia (2-4) ng 99-95 overtime win sa NLEX (3-4) para tapusin ang kanilang four-game losing slump.

“It’s a character game for us. We’re down at this stage of the tournament but we’re not out and I told them that it’s still in our control,” ani Hotshots’ coach Chito Victolero.

Determinado naman ang Gin Kings ni mentor Tim Cone na kaagad makabangon mula sa pagkatalo sa FiberXers.

Muling aasahan ng Ginebra sina import Justin Brownlee, Scottie Thompson, Stephen Holt, RJ Abarrientos, Maverick Ahanmisi at Troy Rosario katapat sina reinforcement Ricardo Ratliffe, Mark Barroca, Ian Sangalang, Zav Lucero at rookie Jerom Lastimosa ng Magnolia.

Sa unang laro, puntirya ng Converge ang kanilang pang-limang dikit na panalo sa pagharap sa Meralco (3-1) na nakalasap ng 98-114 kabiguan sa Blackwater (1-5) sa huli nilang laban.

Sa pagresbak sa Gin Kings ay kinailangan ng FiberXers na bumangon mula sa isang 17-point deficit, 40-57, sa halftime para agawin ang 73-70 bentahe sa third period.

Ibinuhos ni Alex Stockton ang 17 sa kanyang 22 points sa nasabing ratsada ng Converge sa third quarter para balikan ang Ginebra.

Show comments