Liderato target ng Batang Pier
MANILA, Philippines — Ang pagsosolo sa liderato ang hangad ng NorthPort sa pagsagupa sa TNT Tropang Giga sa Season 49 PBA Commissioner’s Cup.
Haharapin ng Batang Pier ang Tropang Giga ngayong alas-5 ng hapon kasunod ang banggaan ng NLEX Road Warriors at San Miguel Beermen sa alas-7:30 ng gabi sa Ynares Center sa Antipolo City.
Tangan ang 3-0 record kasosyo ang Meralco sa liderato, puntirya ng NorthPort ang ikaapat na sunod na ratsada laban sa TNT na nakaranas ng 84-105 pagkatalo sa guest team Eastern Hong Kong sa una nilang laro noong Biyernes.
Ang matibay na depensa ang muling gagamitin ng Batang Pier kontra sa Tropang Giga, ang back-to-back Governors’ Cup champion.
“If we defend at a high level, I think we’ll give ourselves a good chance to win more games,” ani Joshua Munzon na naglista ng 25 points, 9 rebounds at 5 steals sa 107-103 pagtakas ng NorthPort sa Magnolia.
Sa ikalawang laro, target ng NLEX (2-1) ang ikatlong dikit na arangkada sa pagharap sa San Miguel (1-0) na puntirya ang back-to-back wins.
Galing ang Road Warriors sa 104-85 pagpapatumba sa Terrafirma Dyip (0-3) habang umiskor ang Beermen ng 107-104 pag-eskapo sa Phoenix (0-3) sa kanilang mga huling laban.
- Latest