Curry nagpaulan ng tres sa Thunder
OKLAHOMA CITY -— Bumira si Stephen Curry ng 36 points tampok ang pitong three-point shots para sa 127-116 panalo ng Golden State Warriors laban sa Thunder.
Nag-ambag si Jonathan Kuminga ng 20 points para sa Warriors (8-2) habang naglista sina De’Anthony Melton at Andrew Wiggins ng 19 at 18 markers, ayon sa pagkakasunod.
Pinamunuan ni Shai Gilgeous-Alexander ang Oklahoma City (8-2) sa kanyang 24 points.
Nagposte ang Warriors ng 30-point lead sa dulo ng third quarter bago nakahabol ang Thunder para sa kanilang six-point deficit sa huling 4:46 minuto ng fourth period.
Muling nakabalik sa porma ang Golden State para makalayo sa OKC.
Sa Los Angeles, naglista si LeBron James ng 19 points, season-high 16 assists at 10 rebounds sa kanyang ikatlong triple-double sa season para sa 123-103 panalo ng Lakers (6-4) sa Toronto Raptors (2-9).
Sa Minneapolis, ipinasok ni Nikola Jovic ang panablang layup at nagpanalong foul shot sa huling 7.8 segundo sa 95-94 paglusot ng Miami Heat (4-5) sa Minnesota Timberwolves (6-4).
Sa Denver, isinalpak ni Michael Porter Jr. ang isang mid-range jumper sa huling pitong segundo sa 122-120 pagtakas ng Nuggets (7-3) sa Dallas Mavericks, (5-5).
Sa Philadelphia, kumamada si Jared McCain ng career-high 27 points para sa 107-105 overtime win ng 76ers (2-7) laban sa Charlotte Hornets (4-6).
- Latest