PVL-All Filipino Conference hahataw sa Nobyembre 9
MANILA, Philippines — Hahataw na ang inaabangang 2024-25 season ng Premier Volleyball League (PVL) sa pamamagitan ng All-Filipino Conference sa Nobyembre 9.
Magtutuos ang 2023 finalist Choco Mucho at Petro Gazz sa alas: 6:30 ng gabi matapos ang bakbakan ng Akari at Galeries Tower sa alas-4 ng hapon sa Philsports Arena sa Pasig City.
Hangad ng Flying Titans na makabalik sa AFC Finals na misyon din ng two-time Reinforced titlist Gazz Angels.
Sisimulan ng Grand Slam champions Creamline Cool Smashers ang pagdedepensa sa korona sa Nobyembre 16 sa pagsagupa sa Gazz Angels sa Ynares Center sa Antipolo City.
Dadalhin din ng PVL ang mga laro sa Candon, Ilocos Sur sa Nobyembre 23, sa Cebu sa Disyembre 7 at sa Passi, Iloilo sa Pebrero 22 para sa pagtatapos ng first-round preliminaries ng double round-robin elimination.
Samantala, gagawin nina Norman Miguel at Italian Ettore Guidetti ang kanilang mga PVL coaching debut para sa Chery Tiggo at Nxled, ayon sa pagkakasunod.
Gigiyahan ni Miguel ang Crossovers sa pagharap sa Capital1 Solar Spikers sa Nobyembre 12 habang imamando ni Guidetti ang Chameleons sa pakikipagkita sa PLDT High Speed Hitters sa Philsports Arena.
Itatampok ng ZUS Coffee ang debut ni No. 1 overall Rookie Draftee Thea Gagate kasama si Jovy Gonzaga sa pakikipagtuos sa Akari sa Nobyembre 14 sa Filoil EcoOil Arena sa San Juan City.
- Latest