Tigresses balik agad sa porma sa Shakey’s volley
MANILA, Philippines — Nakabangon ang University of Santo Tomas mula sa pagkakadapa matapos pagpagin sa tatlong sets ang University of the Philippines, 25-14, 25-19, 25-21, sa huling laban nila sa second round ng 2024 Shakey’s Super League (SSL) Collegiate Pre-season Championship na nilaro sa Rizal Memorial Coliseum kahapon.
Sinalto ng Golden Tigresses ang nais ng Fighting Maroons na makahirit ng fourth set upang ilista ang 2-1 record sa Pool F.
Nakarecover ang UST mula sa nakapanlulumong pagkatalo sa Far Eastern University kung saan hangad nila ang quarterfinals twice-to-beat advantage sa tournament na suportado ng Shakey’s Pizza Parlor, GCash, Chery Tiggo, F2 Logistics, Peri-Peri Charcoal Chicken, Potato Corner, R and B Milk Tea at Summit Water.
Mag-aabang muna ang Golden Tigresses sa final standings ng FEU at UP sa pagtatapos ng round robin para malaman kung anong dalawang teams ang uusad sa crossover quarters kasama ang incentives.
Idadaan sa tiebreaker kung sakaling magkaroon ng three-way tie sa 2-1.
Umiskor si Angge Poyos ng 10 sa kanyang 11 points mula sa attacks habang bumakas si Kyla Cordora ng 10 markers kasama ang siyam na kills at isang block para sa España-based squad.
Samantala, inilista ng Far Eastern University ang pangalawang sunod na panalo sa Pool F matapos kaldagin ang Ateneo, 25-18, 25-18, 25-19.
Kinapitan ng FEU si Alyzza Devosora sa opensa upang ilsita ang 2-0 card at mapalapit sa inaasam na quarterfinals twice-to-beat.
Ang SSL games ay mapapanood ng live sa Puso Pilipinas, SMART Livestream, Solar Sports Channel 70 on Sky Cable at Channel 59 on Cable Link.
- Latest