Altas nakasilip pa ng tsansa sa Final 4
MANILA, Philippines — Kinailangan ng University of Perpetual Help System DALTA ng extra period para takasan ang Lyceum of the Philippines University, 89-83, sa second round ng NCAA Season 100 men’s basketball kahapon sa FilOil EcoOil Centre sa San Juan City.
Humakot si JP Boral ng 18 points, 6 rebounds at 3 assists para gabayan ang Altas sa pag-ahon mula sa two-game losing skid at itaas ang baraha sa 6-8.
Nagdagdag si Christian Pagaran ng 16 markers, habang may 15 at 12 points sina big man Jearico Nuñez at John Abris, ayon sa pagkakasunod.
Bagsak ang Pirates sa ikalawang sunod na kabiguan para sa 6-7 marka.
Idinikit nina Mclaude Guadaña at John Barba ang Lyceum, personal na pinanood ni veteran JM Bravo, sa 71-73 sa huling 2:31 minuto ng fourth period patungo sa pagpuwersa sa Altas sa overtime, 77-77.
Ang inakalang three-point shot ni Jonathan Daileg para sa Pirates ay idineklarang two-point basket lamang.
Bumanat naman si Nuñez sa extension para ibigay sa Altas ang 83-78 bentahe galing sa kanyang dalawang layups.
Ang dalawang free throws ni rookie Mark Gojo Cruz ang sumelyo sa panalo ng Perpetual ni coach Olsen Racela.
Pinamunuan ni Renz Villegas ang Lyceum sa kanyang 23 points tampok ang anim na triples at tumapos si Barba na may 17 markers, 9 boards at 6 assists.
Samantala, nagpasabog si Mart Barrera ng career-high 22 points para tulungan ang Jose Rizal University sa 90-86 pag-eskapo sa Colegio de San Juan de Letran.
Tinapos ng Heavy Bombers ang apat na dikit na kamalasan para itaas ang kartada sa 4-9 at sumilip ng pag-asa sa Final Four spot.
Nadiskaril naman ang hangad ng Knights na maitala ang back-to-back wins para sa kanilang 7-7 record.
- Latest