Pinoy athletes tagumpay sa world stage
MANILA, Philippines — Buhay na buhay ang Philippine sports sa iba’t ibang panig ng mundo matapos ang tagumpay ng mga Pinoy athletes sa magkakaibang disiplina.
Nangunguna na sa listahan sina world champion Rubilen Amit ng billiards at boxing champ Melvin Jerusalem na tunay na nagpasiklab sa kani-kanyang sports.
Matagumpay na nasungkit ni Amit ang prestihiyosong WPA World Women’s 9-Ball Championship crown matapos ang 1-4, 4-2, 4-2, 4-3 panalo laban kay Chinese Chen Siming sa finals na ginanap sa Hamilton, New Zealand.
Ito ang kauna-unahang World 9-Ball title ni Amit para isama sa kanyang dalawang korona sa World 10-ball event.
Sa kabilang banda, pinataob ni Jerusalem si dating unbeaten Mexican challenger Luis Castillo sa pamamagitan ng unanimous decision para mapanatili ang kanyang WBC minimumweight belt sa labang ginanap sa Mandaluyong.
Kasama rin ang tagumpay ng iba pang Pinoy athletes sa iba’t ibang events.
Kabilang din ang tagumpay ni world champion Carlo Biado sa Ho Chi Minh 9-Ball Open na ginanap sa Vietnam gayundin ang panalo ni Johann Chua sa Zen&Yuan8 9-Ball tournament sa Shanghai, China.
Nagparamdam din sina weightlifters Angeline Colonia (women’s 45kg) at Lovely Inan na humakot ng gintong medalya sa IWF World Junior Championships sa Leon, Spain.
Nanalo rin si Charly Suarez nang kubrahin nito ang third-round TKO win laban kay Jorge Castaneda sa Glendale, Arizona para makuha ang WBO international junior lightweight title.
- Latest