Quezon ‘di matinag sa top spot sa MPVA
LUCENA, Philippines — Bumawi ang Quezon sa first-set loss para talunin ang AM Caloocan Air Force, 23-25, 25-14, 25-21, 25-12, palapit sa kanilang top-seed finish sa Maharlika Pilipinas Volleyball Association (MPVA) Season 1 kamakalawa ng gabi dito sa Quezon Convention Center.
Bumandera si Rhea Mae Densing sa pagbangon ng Tangerines para ilista ang 11-1 record at patuloy na solohin ang liderato sa ligang itinatag ni dating Senator at MPBL chairman Manny Pacquiao.
Nasa ikalawang puwesto ang Rizal St. Gerrard Foundation na may 10-3 baraha.
Laglag naman ang Air Force Spikers sa 5-6 marka.
Nakatuwang ni Densing sa arangkada ng Quezon sina Francis Mycah Go, Cristy Ondangan at Mary Grace Borromeo para patibayin ang tsansa sa ‘twice-to-beat’ incentive sa semifinals.
Nagdagdag si Go ng 14 points habang may 10 at 7 markers sina Ondangan at Borromeo, ayon sa pagkakasunod, para talunin ang Caloocan na nakahugot kay Iari Yongco-Quimson ng 18 points sa liga ng MPVA na suportado ng Extreme One-Stop Shop Appliances, ASICS, Mikasa at Gerflor kasama ang MPTV at Outcomm bilang broadcast partners at inorganisa ng Volleyball Masters of the Philippines.
- Latest