Gawilan, Bantiloc ibabandera sa Paralympics opening
MANILA, Philippines — Muling masisilayan ang Team Philippines sa world stage sa pagrampa ng Pinoy para-athletes sa opening ceremony ng 2024 Paralympic Games sa Paris, France.
Mangunguna para sa Team Philippines sina swimmer Ernie Gawilan at para archer Agustina Bantiloc na siyang magsisilbing flag bearers sa opening rites na gaganapin sa Place de la Concorde.
Target ni Gawilan na madala ang malalim na karanasan nito sa Paris Paralympics matapos magwagi ng gintong medalya sa Asian Para Games at Asean Para Games.
Ito ang ikatlong sunod na appearance ni Gawilan sa Paralympics matapos masilayan sa Rio de Janeiro noong 2016 at Tokyo noong 2021.
Kasama rin sa delegasyon sina swimmer Angel Otom, wheelchair racer Jerrold Mangliwan, javelin thrower Cendy Asusano at taekwondo jin Allain Ganapin.
Nauna nang nanawagan si Philippine Sports Commission chairman Richard Bachmann na suportahan ang Pinoy athletes gaya ng pagsuporta ng buong bansa sa Team Philippines sa Paris Games.
Galing ang Pilipinas sa matagumpay na kampanya sa Paris Olympics kung saan nag-uwi ang Team Philippines ng dalawang ginto at dalawang tansong medalya.
Nagbulsa si gymnast Carlos Yulo ng ginto sa men’s floor exercise at men’s vault habang may tig-isang tanso sina boxers Aira Villegas at Nesthy Petecio.
Kaya naman maganda ang momento ng Pilipinas na sumabak sa Paris Games.
- Latest